MANILA, Philippines — Hinamon ni Senate President Vicente Sotto III si Pangulong Rodrigo Duterte na maging ehemplo sa pagpapakita ng kanyang statement of assets, liabilities and net worth o SALN matapos nitong ideklara na siya ay kakandidato bilang senador sa darating na eleksiyon.
Ani Sotto sa kanyang interview sa ANC, “He is the president. The people expect transparency in their leaders.”
Matatandaang noong taong 2018 pa huling isinapubliko ni Duterte ang kanyang SALN kung saan siya ay nagdeklara ng kabuuang halaga na P28.5 million.
Mula nang si Duterte ay naluklok sa pagkapangulo noong Hunyo 2016, tumaas ng P3-milyon ang kanyang net worth mula P24,080,094.04 ay naging P27,428,862.44 ito matapos lamang ang anim na buwan na diumano ay galing sa sobrang kontribusyon na natanggap niya noong kampanya.
Maging ang Office of the Ombudsman na nangangasiwa sa SALN ng president ay patuloy na hindi nagbibigay ng permiso na makita ng publiko ang dokumentong ito kahit na naayon sa batas na dapat ito ay bukas sa lahat.
Naglabas si Ombudsman Samuel Martires ng memorandum noong Setyembre 2020 na maari lang makita ang SALN ng mga pulitiko kapag mayroong pahintulot nila.