Nitong nakaraang Lunes, Hulyo 25, ginanap ang State of the Nation Address (SONA) ni Bongbong Marcos sa Batasang Pambansa, Quezon City. Ilang linggo bago pa man maganap ang nasabing talumpati, paulit-ulit nang sinabi ng mga tao ng gobyerno na kaabang-abang ang SONA ni BBM. Ayon sa kanila, ito ang maglalahad ng mga plano ni BBM para sa bansa sa susunod na anim na taon. Habang papalapit pa ang SONA, isa rin sa mga sinabing dapat abangan ay ang pokus ni BBM sa ekonomiya. Ito ay kasabay ng lalong tumataas na inflation at poverty rate ng bansa na sinabayan pa ng pagbaba ng employment rate.
Subalit hindi naman ata para sa bayan ang SONA ni BBM, kundi para lamang sa mga kaibigan niyang malalaking negosyante. Sa simula palang ng SONA, paulit-ulit na si BBM sa paglalatag ng mga planong pang-ekonomiya. Subalit kapansin-pansin ang dami ng mga mabibigat na salitang binanggit niya; mga salitang hindi naman kayang unawain ng ordinaryong Pilipino. Dagdag pa rito, wala ring imik si BBM sa mga isyung madalas na ang masa ang tinatamaan. Wala siyang imik sa karapatang pantao, na madalas ay mahihirap ang nagiging biktima. Sa dinami-rami din niyang plano para sa bansa, wala siyang nabanggit na kahit ano tungkol sa anti-corruption policies.
Kahit na sinabi niyang hindi siya magbibigay ng lupa sa ibang bansa, hindi parin kumpleto ang mga paksang tinalakay tungkol sa international relations; walang imik si BBM tungkol sa plano ng ICC na imbistigahan ang war on drugs ni Duterte. Lalo lang nagkakaroon ng kontradiksyon si BBM noong sinabi niyang hindi makikipag-away ang Pilipinas sa kahit anong bansa subalit dapat ay itulak ang mandatory ROTC upang palakasin ang depensa ng bansa. Anong kailangang depensahan kung wala pala tayong kaaway?
Panghuli, kahit na pinangako ni BBM ang agrarian reform program, wala siyang matino at malinaw na paliwanag kung paano ito mararating. Nananatili paring nasa dilim ang ating mga magsasaka, kumakapit sa mga pangakong kapos kahit sa mga pinakasimpleng mga detalye.
Isang malaking pag-aaksaya lamang ng oras ng bayan ang naganap nitong nakarang SONA. Pag-aaksaya rin ng pera at enerhiya ng bayan ang pagpapakalat ng sandamakmak na pulis sa Metro Manila. Tanging para lamang sa mayaman ang SONA na naganap nitong Lunes, isang pahiwatig na mukhang anim na taon pa ang hihintayin ng mga mamamayang Pilipino bago muling magkaroon ng pag-asang makaaangat sila sa buhay.