COVID-19, wala lang?
Kakasimula pa lamang ng termino niya bilang Ilocos Norte 1st District Congressman, namataan kaagad si Sandro Marcos na dumadalo sa isang party. Sa kabila ito ng katotohanang naging positibo sa COVID-19 si BBM nitong nakaraang araw. Kung babalikan ang kaniyang mga kaganapan nitong nakaraang 14 na araw, makikitang close contact ng presidente ang kaniyang anak na si Sandro.
Mukhang nililiteral ni Sandro Marcos ang linyang “no rest for the wicked” dahil hindi man lang nito nagawang magquarantine at isolate ng iilang araw bago muling sumabak sa pagpaparty.
Isa kaya itong repleksyon ng kung ano ang magiging ambag ng congressman sa Kongreso? Kung ngayon pa lamang, mukhang isinasantabi na niya ang posibilidad na maaari niyang ipahamak ang ordinaryong mga Pilip/ino, paano na lang kung nasa kalagitnaan na siya ng debate sa mga panukala at sa paghahain ng mga nais niyang isabatas? Uunahin kaya niya ang party-party na pawang pang sarili kaysa sa karapatan ng karamihan?
Party Time, Everytime?
Kumalat kaagad ito sa social media, na umani ng batikos mula sa iilan. Pero gaano ba talaga kabago ang ganitong klaseng pag-aasta ng mga Marcos?
Maaalalang mahilig na sa mga grandeng pagsasalo ang pamilya Marcos bago pa man ang panahon ni Sandro. Maaalalang kulang na lang ay gawing sariling disco ng pamilya ang Malacañang noong panahon ng Martial law. Maaalalang kumakanta pa ng mga linyang “There are people dying, it’s time to lend a hand” si BongBong Marcos, habang nasa party na ginastusan ng libo-libo. Lahat ng ito, nangyayari habang ang mga Pilipino ay patuloy na nagugutom.
Kaya kung ang tanong lang naman ay “like father, like son” ba, mukhang alam na natin ang sagot.
Hindi Malayo Ang Puno Sa Bunga
Malimit na nating naririnig ang mga katagang “the sins of the father are not the sins of the son”. Parang sirang plaka na nga ito minsan. Pero paano kung pilit na inuulit ng anak ang mga palyadong pag-uugali ng ama? Baka hindi nga kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama. Pero kung inuulit ito ng anak, aba, wala na tayong magagawa diyan!
Bilang mga Pilipino, dapat ay patuloy tayong maging mapagmatiyag sa mga nasa kapangyarihan. Kahit tapos na ang eleksyon, maaari parin tayong makilahok sa pagtatanggol sa demokrasya ng ating bayan. Bulok ang bunga ng diktaduryang Marcos noon. Ito marahil ang puno’t dulo ng lahat ng problema ng bansa ngayon. Kaya kung patuloy pang namumunga ng mga katulad nila, dapat ang ugat ng puno ay putulin na.
Magmasid. Magbantay. Magsalita.