Nitong nakaraang Martes, Hulyo 27, ibinoto bilang senior deputy majority leader ng House of Representatives si Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos. Isa itong malaking pagtataka sa marami dahil tila isang kabalintunaang napunta ang senior deputy majority leader position sa isang baguhang mambabatas. Ito ay naganap isang araw matapos ang nominayon ni Sandro Marcos sa kaniyang tiyuhing si Rep. Martin Romualdez sa House speakership. Dahil sa mga kaganapan at pag-mamaneobrang ito, ang House of Representatives ay kasalukuyan nang pinapatakbo ng mga kamag-anak at malalapit na katiwala ng pinuno ng ehekutibo na si Pangulong Bongbong Marcos.
Dito pa lamang, makikita na ang lantarang pagsubok na kontrolin ang buong lehislatibong katawan ng pamahalaan. Maaalalang binubuo ng dalawampu (20) na mga Senador ang senate majority. Samantalang lima lamang sa mahigit tatlong daang mambabatas sa House of Representatives ang kasama sa minority bloc. Kasabay nito, may mga kamag-anak at malapit na kaalyado pa ang pangulo sa loob ng dalawang sangay ng Kongreso; si Imee Marcos sa senado at ang magtiyuhing sina Sandro at Romualdez naman sa House of Representatives. Sa madaling salita, kontrolado nang muli ng pamilya Marcos, hindi lamang ang ehekutibo, kundi pati na rin ang lehislatibong parte ng pamahalaan.
Makikita ang lantarang pagmamaneobra at pagmamanipula ng mga Marcos sa mga sangay ng gobyerno! Pinagmumukha nilang mangmang ang taumbayan sa patuloy nilang pambababoy ng demokrasya sa Pilipinas! Lalo lamang nilang pinapakita na walang magagawang matino ang pagbabalki ng pamilya ng diktador sa Palasyo! Muli nanamang nganga ang susunod na anim na taon ng mga Pilipino! Habang parang naglalaro ng trip to Jerusalem sa malalaking posisyon ang mga korap sa gobyerno, lalo lamang tumataas ang inflation at poverty rate ng bansa, kasabay ng pagbaba ng employment rate at supply ng pagkain at iba pang mahahalagang bilihin!
Tama na ang paglalaro! Tulungan naman ninyo ang taumbayan!