“Bayad” at “Hakot”, ito ang mga paratang ni Cavite District 7 Representative Jesus “Boying” Remulla sa mga dumalo sa Grand rally ng kampo ni Robredo noong biyernes,Marso 4.
Sa isang programa ng DZRH radio noong sabado,Marso 5, kinwustiyon ni Remulla ang dami ng taong dumalo sa kampanya ng bise presidente. Pinuna niya ang ginagawang taktika ‘di umano ng mga pulitiko sa darating na halalan.
“Ang pinaka-nagsa-stand out sa mga iyon eh ‘yung bandwagon. Kasi hakutan na ng tao eh. Naghahakot, tapos sabay sasabihin nila, ang daming tao. Eh, hinakot nila eh.”
Tinukoy din niya ang mga dumayo pa sa ibang lugar ay tumanggap ng 500 pisong bayad upang sumuporta sa naturang kandidato.
“May jeep, tapos may staging area, may T-shirt, may uniporme, kumpleto. Kaya alam mong hindi indigenous kasi naka-uniporme. ‘Yun ang hakot eh.” dagdag pa niya.
Sa walang kadahilanan naman, bigla rin niyang idinawit ang mga leftist o iyong tinatawag na red-tagging sa nangyaring kampanya. “Ang dami nilang mga estudyante, ‘yung mga aktibista, galing sa kaliwa, oo. Mga trained ng NDF, o kaya training nila. May dalang mga bandera pero pink.” kanyang paglalarawan.
Nagbigay din ng reaksyon dito si Senator Panfilo Lacson, tubong Cavite at isa sa mga tumatakbo sa pagka-pangulo. Nakababahala raw ang ganitong mga balita lalo na at matagal nang nilalabanan ng gobyerno ang insurgency na umiiral sa bansa.
Ang red-tagging na ito ay isang malisosyo at walang basehan ayon sa grupong The Robredo People’s Council- Cavite.
“Ang pagkakaiba-iba ng pananaw at opinyon ay hindi ‘passes’ or ‘lisensya’ na bastusin, yurakan, at maliitin ang kapasidad ng mga Caviteño na manindigan at magsakripisyo para sa katotohanan, pagbabago, at pag-asenso na minimithi ng bawat isa,” ang pahayag ng grupo sa isang mensahe noong linggo, Marso 6.
Hindi ito pinalampas ng grupong Akbayan at iginiit ang mga kasinungalingang ito ni Remulla.
Sinabi nilang dapat nang ihinto ni Remulla ang red-tagging lalo na at ito’y seryosong akusasyon.
“We call on Representative Remulla to immediately stop red-tagging the broad pink movement, particularly his own constituents in Cavite. It is such unbecoming conduct from an official who is supposed to respect the will of his people,” pahayag ng grupo.