MANILA, Philippines — Nangako nitong Huwebes si Senador Manny Pacquiao na magbibigay ng mas maraming tauhan at kagamitan na tutulong sa pagbabantay sa West Philippine Sea upang malayang maipagpatuloy ng mga mangingisda ang kanilang kabuhayan kung siya ay mahalal na pangulo.
“Lahat ng mangingisda, gusto ko malaya silang mangingisda sa ating bansa, sa teritoryo natin at ang gagawin natin dyan, pabantayan natin ng mga Coast Guard natin para hindi sila takutin, hindi sila paalisin, ipagtabuyan,” sabi ni Pacquiao sa “Ikaw Na Ba?” presidential interview ng DZBB.
Sinabi ni Pacquiao na ang mga mangingisda ay dapat protektahan ng estado, isinasaalang-alang ang kanilang kontribusyon sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Pacquiao na hindi na kailangan ng Pilipinas na makipaglaban sa ibang mga bansa sa paggigiit ng karapatan ng bansa sa mga teritoryong pandagat.
Gayunman, nilinaw niya na hindi ito nangangahulugan na dapat hayaan ng Pilipinas ang sarili nitong tapakan.