MANILA — Ipinag-utos ng Department of Justice sa National Bureau of Investigation (NBI) na tingnan ang mga ulat ng umano’y phishing scam na nagta-target sa mga guro at nonteaching personnel ng Department of Education (DepEd).
Sa isang utos na may petsang Enero 25, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon at case build-up sa diumano’y mga phshing scheme na bumibiktima sa mga guro na may mga Landbank account.
Samantala, iniulat ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), ang grupo ng mga tagapagturo na unang nagpahayag ng pagkabahala sa mga insidente ng cybertheft, na mas maraming tauhan ang nabiktima ng scam.
Sa isang pahayag, sinabi ni TDC National Chairperson Benjo Basas na ang bilang ng mga tauhan ng DepEd na nawalan ng pera sa pamamagitan ng hindi awtorisadong transaksyon mula sa kanilang mga Landbank account ay tumaas sa 20 mula sa 15.
Nawalan ng pera ang mga guro mula P900 hanggang P200,000, ayon kay Basas.
Ang mga kaso ay naiulat sa National Capital Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region at Western Visayas, dagdag niya.
Nagsumite ng ulat ang TDC sa DepEd, na nangakong tutulungan silang malutas ang isyu.
Sa hiwalay na text message sa ABS-CBN News, sinabi ni Basas na nagtatakda na rin sila ng schedule sa NBI para pag-usapan ang isyu.