TAGBILARAN, Bohol – Tila hindi lang West Philippine Sea ang inaagaw at tinatambakan ng mga Tsino sa ating bansa.
Napag-alaman ng Bantay Nakaw Coalition na nakapag-tambak o reclaim ang isang resort na pagmamay-ari umano ng mga Chinese sa Tagbilaran, Bohol. Makikita mismo sa Satellite Image na napakalaki ng tinambakan ng Bohol Tropics Resort na parte ng dagat kung saan libo-libong corals ang tinatayang nasira.
Nang inusisa, walang permit mula sa Philippine Reclamation Authority ang nasabing reclamation ng Bohol Tropics Resort. Ibig sabihin, ito ay illegal.
Ang tanong, paano kaya nakalusot ang nasabing reclamation? Ilang bundok ang pinatag para lang ipangtambak dito?
Natutulog ba ang Local Government ng Tagbilaran? Natutulog ba ang Provincial Government ng Bohol?
Matatandaan na kakasangkot pa lang sa issue ng Probinsya ng Bohol dahil sa illegal na istraktura ng Captains Peak Resort na itinayo sa isa sa mga Chocolate Hills.