Sa loob ng tatlong dekada pilit na tinatakbuhan ng mga Marcos ang kanilang pagkakasala sa bansa at sa mga Pilipino.Pilit din nilang pinaniniwala ang mga tao sa mga kasinungalingan at pagbabago ng kasaysayan.
Noong 1986, ilang buwan matapos patalsikin ang mga Marcos sa Malacañang itinatag ang Presidential Commission on Good Governance upang kamkamin ang mga ill-gotten wealth ng pamilya.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 174 bilyong piso ang nabawi ng komisyon at may natitira pang 125 bilyon sa pinagsama-samang ari-arian at personal na koleksyon ng pamilya.
Ngunit bakit nga ba inabot ng tatlong dekada ang pagbawi sa mga yaman ng Marcos?
Ayon sa dating komisyoner ng PCGG na si Ruben Carranza, ito ay dahil sa mga pagmamanipula ng mga Marcos sa impormasyon at katotohanan.
Bukod pa dito , malaking bilang din ng mga inabuso at pinatay noong panahon ng Martial law ang sa ngayo’y humihingi pa rin ng hustisya. Wala ni isa dito ang inaamin ng pamilyang Marcos hanggang sa ngayon kahit kaliwa’t kanan na ang mga ebidensya.
Hindi na rin nakakagulat kung pati ang 23 bilyon estate taxes na ngayo’y lumobo na sa 203 bilyong piso dahil sa mga penalty at surcharge ay hindi rin nila nais bayaran o akuin.
Sa mga isyu at kaso na ito patungkol sa mga Marcos, nakapagtataka kung bakit walang sinuman sa pamilya ang nakulong kahit pa ang convicted na dating first lady Imelda Marcos.