‘Hectic’, ito ang dahilan ng kampo ni Marcos kung bakit hindi sigurado ang pagdalo nito sa gaganaping tapatan sa Marso 19.
“His participation in the said event, which will be held at the Philippine Arena in Bocaue, Bulacan will only be confirmed if his hectic campaign schedules permit,” pagpapahayag ni Rodriguez, kanyang tagapagsalita.
Matatandaang tila laging absent si Marcos sa malalaking debate tulad ng sa GMA at KBP. Habang nagsabi na rin siya ng hindi pagdalo sa gaganaping CNN debate sa linggo, Pebrero 27.
Sa isang twitter post, ipinakita ni James Jimenez ang isang liham mula kay Abalos, campaign manager ni Marcos. Dito hiniling ng kampo ni Marcos na makita o mapag-usapan muna ang mga isyung ibabato sa gaganaping debate.
Sa kabilang banda hindi pinalagpas ni Marcos ang debateng inihanda ng SMNI na siyang pagmamay-ari ni Quiboloy, isang pastor na may nakabinbin na kaso ukol sa sex trafficking. Pebrero 15 nang hayaan niyang mangampanya mag-isa si Sara Duterte habang siya’y nasa SMNI debate.
Isa sa mga hurado ng nasabing debate na iyon ay si Clarita Carlos , isang UP Diliman Professor. Kanyang ikinuwento kung paanong sinubukang hingin ng mga organizers ang kanyang inihandang tanong ngunit siya ring tinutulan ng propesor.
Kapansin-pansin ang laging pag-iwas ni BongBong Marcos sa mga harapan o debate.
Para sa isang tatakbo sa pagka-pangulo, mahalagang marinig ng mga tao ang mga plataporma at opinyon nito ukol sa mga napapanahong isyu. Ang laging pagliban ni Marcos ay siyang ikinadidismaya ng ilang tagasuporta.