Isa sa mga media na kinontrol ng dating diktador na si Ferdinand Marcos ay ang mga pahayagan. Kabilang na dito ang Manila Bulletin na pagmamay-ari ni Hans Menzi,isang Swiss Filipino.
Nabili ni Menzi ang Manila Bulletin kay Carlson Taylor, orihinal may-ari nito sa halagang $250,000 o katumbas ng 500,000 pesos sa palitan noong 1957.
Kasabay ng Manila Bulletin sa pagpapaikot ng mga dyaryo ang Manila Times na siyang nangunguna noon at Manila Chronicle bilang pangalawa. Noong 1972, pumangalawa ang Manila Bulletin sa Manila Times at nahigitan ang ibang malalaking pahayagan tulad ng Manila Chronicle at Daily Mirror.
Nang ipatupad ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972, ipinasara ni Marcos ang lahat ng pahayagan maliban sa Daily Express na pagmamay-ari ng kanyang kaibigan at Times Journal ng kapatid ni Imelda na si Kokoy Romualdez. Habang ang Manila Bulletin naman ay ipinasara nang dalawang buwan.
Sa kalaunan pinayagan na muling magbukas ang publikasyon sa kasunduang lilimitahan ang ownership ng stockholders sa 20%.Iniutos din ni Marcos na ilipat ang ibang stocks sa kanyang mga kaibigan sa ilalim ng PLDT.
Nagpatuloy ang pagkontrol ni Marcos sa shareholdings ng publikasyon hanggang sa ideklarang kalahati na nito’y hawak ni Ferdinand Marcos sa taas na 53.86 % na 1,250,000 shares habang ang natira kay Menzi ay 24.1 % na lamang.
Nang pumanaw si Menzi ibinenta nito ang natitirang shares sa isang Filipino-Chinese na si Emilio Yap, may-ari ng US Automotive inc. Ang nasabing transaksyon ay hindi legal at walang dokumento kung kaya’t nais pa itong kuhanin ni Marcos. Kung hindi naganap ang Martial Law, 78.06 % sa shares ng Bulletin ang mapupunta pa sana kay Marcos.
Noong 2005, base sa mga paglilitis, idineklara ng Supreme Court ang mga shares ng Marcos a Manila Bulletin bilang Ill-gotten wealth o mga nakaw na yaman mula kay Menzi at sa iba pang stockholders.
Sa kasalukuyan nanatili ang pagmamay-ari sa publikasyon kay Emilio Yap sa ilalim ng US Automotive Inc. at ito ay nagkaroon ng iba’t ibang sub-publications tulad ng Tempo,Philippine Panorama at Style Weekend.