MANILA — Sinabi ng Partido Lakas ng Masa presidential aspirant na si Leody De Guzman na hindi siya pabor sa mga free trade agreement at gusto niyang magtayo ng mga industriya sa Pilipinas.
Sinabi ni De Guzman na hindi siya pabor na pagtibayin ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) dahil hindi humahantong sa pag-unlad ang free trade deals.
“Ang kinakailangan natin ay sariling industriyalisasyon. Magtayo tayo ng sariling industriya gamit ang ating mga raw materials nang sa ganoon ay hindi na tayo nag-i-import ng ating pangangailangan. Kaya nating i-produce rito sa ating bansa ang ating pangangailangang pagkain at mga gamit sa bahay at gamit sa industriya, kayang-kaya nating i-produce rito,” ayon kay De Guzman.
Sinabi ni De Guzman na dahil sa kamakailang trade deal, nag-aangkat na ang bansa ng galunggong, sibuyas, bawang at iba pang pagkain na hindi naman nito kailangang i-import noon.
Sa halip na mga free trade deal, sinabi ng labor leader na kailangang paunlarin ng bansa ang kapasidad nito na iproseso ang sarili nitong hilaw na materyales para maging mga tapos na produkto. Nagbabala rin siya na ang mga free trade deal ay humahantong sa malalaking kakulangan.
Si De Guzman ay kabilang sa mga presidential aspirants sa pambansang balota para sa darating na halalan sa Mayo kasama sina Vice President Leni Robredo at dating Sen. Ferdinand Marcos Jr., Senators Manny Pacquiao, at Panfilo Lacson, Manila Mayor Isko Moreno, dating presidential spokesperson Ernesto Abella , at dating Security Adviser Norberto Gonzalez, Faisal Mangondato, at Jose Montemayor Jr.