Isang lumang invoice mula sa sikat na alahasan sa New York ang kumakalat ngayon sa internet at social media. Ito ay mula sa brand na BULGARI at nakapangalan kay dating first lady Imelda Marcos at kanyang sekretarya Vilma Bautista.
Ayon sa dokumento, nagkakahalaga ng 1.43 milyong dolyar o katumbas ng 10.53 milyon sa panahon na iyon ang mga alahas.Kung susumahin sa exchange rate ngayon, ito ay may halagang 74 milyong piso.
Ilan sa mga pinamili ni Imelda ay isang bracelet na may emerald, earclip na ginto at mga dyamante.
Ang larawan ng invoice ay kuha ni Alex Bowie, isang photojournalist na nagtrabaho sa iba’t-ibang pahayagan kabilang na ang Time magazine. Ayon sa Getty Images, ang invoice na ito ay galing sa mga dokumento na nakalap sa likod ng Malacañang Palace noong gabing lumipad ang pamilyang Marcos sa Hawaii noong Pebrero 25, 1986.
Sa kasalukuyan, 174 bilyong piso pa lamang ang nababawi ng Presidential Commission on Good Governance mula sa mahigit 400 bilyong nakaw na yaman.