MANILA, Philippines — Sinabi nitong Huwebes ng kandidato sa pagkapangulo at Senador Manny Pacquiao na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo kung wala siyang kaalaman sa mga solusyon sa mga problema ng bansa.
Sinabi ng boxing legend na pinag-aralan niyang mabuti ang mga problema ng Pilipinas at hindi niya ipapahiya ang kanyang sarili sa paghangad sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno.
“Alam niyo, pinag-aralan ko po lahat ‘yan, kung ano ang problema ng ating bansa, pinag-aralan ko. Kaya nga sinasabi ko sa lahat na hindi ako tatakbo sa pagkapangulo kung kulang po ang aking kaalaman, kung hindi ko po alam ang problema ng ating bansa,” ani ni Pacquiao sa “Ikaw Na Ba?” presidential interview ng DZBB.
Binigyang-diin ni Pacquiao na alam niya ang mga solusyon sa mga problema tulad ng may kinalaman sa ekonomiya, trabaho, at korapsyon.
Nang tanungin tungkol sa komento ng mga kritiko na wala siyang sapat na karanasan sa pulitika, sinabi ng senador na higit pa niya ang iba pang kandidato sa pagkapangulo sa aspeto ng mga karanasan sa buhay.
Itinuro ni Pacquiao ang kanyang kakayahan na mamuno habang tinatalakay niya ang mga posibleng solusyon sa problema sa ekonomiya ng bansa sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Pacquiao, ang kanyang administrasyon ay magbibigay ng mas maraming budget para sa micro, small, and medium enterprises, makaakit ng mga investors mula sa ibang bansa, at magpapalakas ng “non-tax revenue” kung siya ay mahalal na pangulo.