fbpx

Hiling ng Bulatlat na TRO laban sa NTC, hindi pinanigan ng Korte

Humarap ngayong linggo sa hukuman ng Quezon City ang Bulatlat upang pormal na ihain ang TRO laban sa NTC. Ito ay kaugnay ng pagblock ng ahensya sa website ng Bulatlat. Ayon sa media outlet, isa itong malinaw na pag-apak sa karapatan sa pamamahayag ng mga Pilipino. Ang karapatang ito ay nakasulat sa 1987 Constitution. Ayon din sa media outlet, bumagsak na sa 43% hanggang 50% ang web visitors ng grupo matapos ang pagkilos na ginawa ng NTC.

Bulatlat
Photo Credits: Philstar

Sa kabila ng mga hinaing na ito, tumanggi ang korte sa hiling na TRO ng Bulatlat. Isa sa mga argumento ng media outlet ay ang pagpapakita ng kanilang mga cellphone, kung saan hindi na nila mabuksan ang sariling website. Subalit noong buksan mismo ng hukom ang kaniyang cellphone, nabuksan niya ang website ng Bulatlat. Dahil dito, hindi nakita ng korte na sapat ang mga rekisitong prinisenta ng Bulatlat sa kanilang hiling na TRO. Ayon sa korte, “lack of urgency” ang dahilan ng kanilang pagtangging magbigay ng TRO. Klinaro naman ni Tiongson, abogado ng Bulatlat, na hindi makakaapekto ang hindi pagbibigay ng korte ng TRO sa tunay nilang adhikain na ibasura ang utos ng NTC.

Malinaw na bigong makatulong ang korte sa pagbibigay hustisya sa mga pilit na pinapatahimik ng gobyerno. Nagtatago sa likod ng mga technicalities ang mga mapang-abuso sa kanilang kapangyarihan. Karapatan ng kahit na sino ang magpahayag ng kanilang saloobin, ito man ay sang-ayon o taliwas sa paniniwala ng mga lider ng estado. Hindi lamang ito ang pag-atake sa midya ng gobyerno, pinapatahimik rin nila ang Rappler at ABS-CBN. Dapat lang na manindigan tayong lahat, kasama ng Bulatlat, sa malayang pagpapahayag ng sarili, isang karapatang nakasaad sa Konstitusyon at ipinaglaban ng mga sumulat nito.

Huwag pasisiil sa gobyernong nagpapatahimik! Huwag magpapapigil sa pagpapahayag! Huwag lunukin ang mga salita! Sumigaw kung kinakailangan! 

Magbantay! Tumindig!