fbpx

Habang Tumataas ang Presyo, Maharlika Fund ang Inuuna

Uunahan na natin, ayos lang naman ang pagkakaroon ng Maharlika Investment Fund ang isang bansa kung marami tayong sobrang pondo, pero ang kalagayan ng Pilipinas ay—marami tayong utang, malaki ang deficit, at patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa 8% inflation rate. Sa lagay na ito, ang mga mahihirap ang pinakanahihirapan—sila ang pinapatawan ng buwis habang ang mga mayayaman ay maraming tax cuts, ang kanilang mga negosyo ang hindi makasabay dahil sa napakaraming import ng gobyerno, at sila rin ang pinakanagigipit dahil sa pagtaas ng bilihin.

Sa kabila nito, mas pinipili ni Marcos Jr. na magbigay ng pondo sa mga mayayaman sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund para manatili siya sa kapangyarihan. Malinaw ang prayoridad ni Marcos Jr., kayamanan muna bago ang kapakanan ng mga mamamayan. Sa katotohanan, hindi na tayo nabigla, dahil mismong SONA niya ay para lang talaga sa mayayaman.

Kung tutuusin, galing naman sa mga ito ang pera na nagpanalo kay Marcos Jr. para bumili ng boto at suporta. Ibig sabihin, walang pinagkaiba ang anak sa ama. Ang Maharlika Fund ay hindi daan para mapaunlad ang ekonomiya ng bayan, paraan lamang ito para mapataba ang bulsa ng mga nasa kapangyarihan.