Kung tatanungin ang ilan sa ating mga magulang, lolo at lola, at iba pang mga kamag-anak na naabutan ang pamumuno ni Ferdinand Marcos, ilan sa kanila ay magsasabing ito raw ang “golden era” ng Pilipinas.
Mababang presyo ng mga bilihin, mababang palitan ng peso at dolyar, at pamimigay ng mga Nutribun sa mga paaralan–ilan lamang ito sa mga bukambibig ng ilan sa ating mga magulang. Kaya naman kahit napasailalim ng diktaturya ang ating bansa sa loob ng 21 taon, marami pa rin ang nagsasabing mas maunlad daw ‘di umano ang Pilipinas noong panahong iyon.
Pero gaano nga ba katotoo na maunlad ang buhay ng mga Pilipino noon? Golden era nga ba o lost era?
Ayon kay BusinessWorld columnist Andrew J. Marasigan, patong-patong na problema ang nagsimula mula noong diktaturya ni Marcos.
Una, mula $600 milyon, lumobo sa $26 bilyon ang utang ng Pilipinas. Ginamit ni Marcos ang mga utang na ito upang patuloy na masuportahan ang kanyang patuloy na pagkapit sa kapangyarihan at para mamanipula niya ang ekonomiya.
Totoong maraming mga kamangha-manghang gusali ang naipatayo noon gaya ng Cultural Center of the Philippines, Coconut Palace, at Folk Arts Theater pero lingid sa kaalaman ng karamihan ito ay ginamit lamang upang magbigay ng impresyon ng kaunlaran. Pero sa likod ng mga gusaling ito ay ang natatakpan ang kawalan ng kakayahan niyang bigyan ng solusyon ang nagsisimula nang humina na ekonomiya noong panahong iyon.
Pangalawa, totoong ang Pilipinas ang may pangalawang pinakamalas na ekonomiya noong naging pangulo si Marcos noong 1965. Pero noong napatalsik siya sa pamumuno noong 1986 People Power, lumagapak ito sa pinakamababa nitong estado mula nang maging bansa ang Pilipinas.
Mula sa palitang P3.92 kada dolya noong 1965, bumagsak ito sa P19.99 noong 1986. Ang antas ng mga walang trabaho naman ay lumobo lalo mula sa 7.2% noong 1965 sa 33% noong 1986.
Ang antas ng kahirapan naman ay tumaas ng higit anim na beses, mula sa 7.2% hanggang sa maging 4.2% ito 21 taon ang nakalipas. Lalo ring humina ang kakayahan ng mga manggagawang gumastos. Mula sa P100/araw na spending power gamit ang kanilang sahod noong 1965, lumagapak ito sa P27/araw noong 1986.
Pangatlo, patuloy na napag-iwanan ang Pilipinas ng mga karatig-bansa natin sa Timog Silangang Asya na ‘di hamak ay mas maunlad tayo bago umupo sa pwesto si Marcos. Umunlad lamang ang Pilipinas ng higit sa 3 beses mula noong 1965, kumpara sa higit sa 10 beses na pag-unlad ng Malaysia at Thailand noong 1980s.
Kung ang usapan ay tungkol lamang sa kaunlaran noong pumasok si Marcos noong dekada 70, walang duda rito dahil minana niya ang mga magandang proyektong nasimulan ng mga pangulong naupo bago sa kanya.
Ngunit dahil sa labis na pag-utang, nabaon nang nabaon ang ekonomiya ng Pilipinas. Sa katunayan, noong 2004 lamang–18 taon matapos siyang mapatalsik sa kapangyarihan–na simulang mabuhay ang gross domestic product ng bansa mula noong 1982.
Kung ito ang tinatawag ninyong Golden Era, siguro nag-iba na ang pananaw natin sa kung anuman ang ginto. Pero gayunpaman, hindi mabubura ng kasaysayan ang paglagapak ng ating bansa noong panahon ni Marcos.