Isang Pilipinong abogado na katuwang ‘di umano ng dating diktador na si Ferdinand Marcos ay ‘di umano gumawa ng mga personal na account sa Swiss na bangkong Credit Suisse para itago roon ang higit P460 milyong halaga ng pera ng mga Marcos.
Ang abogadong si Helen Rivilla at ang asawa nitong si Antonio ay nagkaroon ng dalawang personal account sa Credit Suisse na may halagang CHF 8.113M (PHP 440M) mula 2000 hanggang 2004 at CHF 179,776 (PHP 9.9M) mula 2000 hanggang 2006, ayon sa datos ng Organized Crime and Reporting Project (OCCRP).
Naging kaduda-duda ang halaga ng pera na nasa account ng mga Rivilla, lalo na’t si Helen ay nahatulan ng kasong money laundering sa US sa pagiging middleman kay Marcos. Ang dating pangulo ay may $658 milyong halaga ng pera na idineklarang “ill-gotten wealth” ng Korte Suprema noong 2003.
Ngunit noong 1992 pa lamang, umamin nang “guilty” si Helen sa isang korte sa Hawaii para sa kasong money laundering ng halagang $3 milyon.
Ayon sa isang report ng Associated Press, umamin si Helen na nagbukas siya ng mga bank account sa ilalim ng kanyang pangalan, nag-deposit, at nag-withdraw rin ng pera ayon sa utos ni Marcos.