Tila muling nabuhay ang malagim na sinapit ng bansa matapos ang 36 taon mula nang tayo’y magkamit ng demokrasya. Ang makasaysayang rebolusyon taong 1986 ay isang paalala sa atin na hindi na dapat mapiit ang bansa sa kamay ng isang diktador.
Sa panahon ng batas militar, maraming karapatang pantao ang nilabag at nagdusa. Ilan na dito ang mga sumusunod:
1)Pinairal ang Batas Militar upang palawigin ang taon sa pwesto. 2) Isinara ang kongreso. 3) Pinagbitiw ang mga hurado ng korte suprema. 4) Hinuli at ikinulong ang mga oposisyon kahit walang court trial. 5) Ipinasara ang iba’t ibang media. 6) Inilubog sa utang ang bansa. 7) Inilugmok ang GDP ng bansa sa negative 7 porsyento.
At higit pa dito ay ang mga nakadokumentong pang-aabuso ng militar sa inosenteng taumbayan.
Ang masalimuot na pangyayaring ito ay tila nauulit dahil sa pagtakbo ng anak ng dating diktador, Bongbong Marcos. Ito ay isang pang-aalipusta sa ating kasaysayan.
Ang pagsigaw ni Marcos ng UNITY para sa bayan ay isa lamang propaganda upang himukin ang mga puso ng tao.
Ang labis na paggastos para sa kampanya ay nagpapakita lamang kung gaano karaming yaman ang kinamkam ng kanyang pamilya . Ang hindi niya pag-amin sa kasalanan ng kanyang ama ay isang sampal para sa mga biktima ng batas militar. Hindi pagkakaisa ang nais iparating ni Marcos kundi ay sariling interes upang maluklok muli sa pwesto ang kanyang angkan.
Dapat tayong matuto sa nakaraan.
Hindi na dapat muling ilagay sa alanganin ang kalagayan ng bansa.
Marcos, hindi na dapat.