Nagpaabot ng pagkabahala ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga naglipanang maling balita tungkol sa Martial law at Edsa People Power Revolution na nagpatalsik sa dating diktador na Marcos.
Ayon sa CBCP, ito na ang tamang panahon upang maglabas sila ng pastoral letter dahil sa nalalapit na araw ng eleksyon.
Pinaalalahanan ang mga tao na mag-ingat sa mag fake news na sadyang ikinakalat sa social media tulad na lamang ng pagsasabing naabot ng bansa ang golden age sa panahon ni Marcos.
“That devastated the economy of our country. People have no business saying that was the golden age, that is a lie. Ang pinaninindigan lang natin dito ay katotohanan” sabi ni Bishop Pablo David, presidente ng CBCP.
Una nang sinabi ng CBCP na hindi sila magbibigay ng pangalang ieendorso ngunit magiging panatag sila kung hindi magnanakaw ang iluluklok ng mga tao.
Patuloy na hihimukin ng simbahan ang mga tao na piliin ang tama at tapat na kandidato.