Nitong nakaraang Linggo, Hulyo 24, isang BBM supporter ang namaril sa loob ng Ateneo de Manila University o ADMU. Ito ay naganap sa dapat sana ay isang masayang graduation ceremony para sa mga graduates ng Ateneo Law School. Bilang resulta ng nasabing pangyayari, namatay ang dating mayor ng Lamitan, Basilan na si Rose Furigay. Nasawi rin sa nasabing pamamaril ang kaniyang matagal nang executive assistant na si Victor George Capistrano at ang isa sa mga campus security guard sa ADMU na si Jeneven Bandiala. Sugatan naman sa nasabing insidente ang dapat sana ay graduating law student na si Hannah Rose Furigay, anak ng dating mayora.
Itinuturong suspek sa nasabing pamamaril ay ang doktor na si Chao Tiao Yumol. Ayon sa suspek, personal ang motibo ng kaniyang pamamaril, bilang mayroong alitan ang suspek at ang dating mayora. Ayon sa pulisya, “determined assassin” si Yumol, na wala umanong personal address sa Maynila at piniling matulog sa kaniyang sariling kotse. Umarkila lamang ng taxi papasok ng ADMU si Yumol at dahil hindi na-inspeksyon ng campus guards, nagawa niyang magpasok ng dalawang pistol. Inabangan umano niya ang biktima bago ito tuluyang pagbabarilin, pati na rin ang ibang nadamay sa ingkwentro.
Kahit na personal ang alitan ng dalawa, hindi dapat natin kalimutang isang malaking supporter si dating mayora Rose Furigay ng Angat Buhay Program ni dating Leni Robredo. Sa kabilang banda, isang malaking supporter ng dating pangulong Rodrigo Duterte si Yumol. Sinuportahan din niya ang UniTeam tandem ni BBM-Sara noong nakaraang eleksyon. Hindi na nakakagulat na isang supporter ng dati at kasalukuyang administrasyon ang assassin. Kilala ang dating pangulong Duterte at ang dating pangulong Marcos Sr. sa kanilang pagtapak sa karapatang pantao, lalo na sa karapatang mabuhay ng mga Pilipino.
Nakakagulat ba na ang supporter ng kanilang mga anak ay siya ring mamamatay tao sa ADMU? Isa itong lantarang halimbawa ng lalong pagtanggap ng mga Pilipino sa karahasan at sa ideya na makatarungan ang pagpatay sa kapwa Pilipino. Hinuhubog ng gobyerno ang paraan ng pag-iisip ng mga Pilipino! At kung isa sa mga pinakamalalaking plataporma ni dating pangulong Duterte ay ang extrajudicial killings ng mga hinihinalang pusher at user ng droga, magugulat pa ba tayo kung mas pinipili ng mga kumampi sa kanila na pairalin ang bala kaysa batas?
Dapat ay lalo nating kalampagin ang gobyerno na protektahan ang karapatang pantao ng mga Pilipino! Hindi ito dapat pinapalampas! Tama na ang panghaharas sa mga supporter ng oposisyon! Tama na ang paulit-ulit na karahasan at pagpatay! Isulong natin ang isang mas mapayapang Pilipinas!