fbpx

ANG NAGING DRAMA SA MANILA PENINSULA, TILA SI MARCOS JR. PA ANG KINAKAMPANYA

Sa kabila ng mga problema na hinaharap natin sa lipunan at sa kabila ng nakaambang pagbabalik ng magnanakaw sa Malacañang–inuna pa nina Isko Moreno, Norberto Gonzales, at Ping Lacson na mag-drama sa Manila Peninsula at pag-kaisahan si VP Leni Robredo na siyang may pag-asang talunin muli si Marcos Jr. Ang rason nila gusto daw nilang magkaisa na hindi sila hihinto sa kanilang kandidatura, sa kabila umano ng mga maniobra ng kampo ni Robredo na paatrasin sila.

Hindi katanggap-tanggap ang pang-mamata kay VP Leni Robredo.

Una, hindi si VP Leni Robredo ang tumatawag para umatras sila sa kandidatura–ang mga tao ang sumisigaw para dito. Bukod dito, nakakatawa lang ang pagiging balimbing ni Ping, kasi siya naman talaga ang unang nagpresenta na pagdating sa huling buwan ng kampanya, kung sino ang kulelat ang siyang dapat sumuporta na lang.

Pangalawa, kung hindi sila sang-ayon sa pag-atras ng kanilang kandidatura, hindi ba pagiging hipokritiko ang paggiit nito kay VP Leni Robredo? Kahit kailan hindi lumabas sa bibig ni VP Leni na kailangan nilang umatras, pero direkta mismo na galing kay Isko na “Be a hero. Withdraw Leni.” Siguro tingin nila, mapupunta sa kanila ang suporta ng tao kapag nangyari ito, pero malinaw naman ang batayan sa susunod na Pangulo–may resibo, may integridad, at kayang ipanalo. Sa resibo pa lang, wala na silang panama sa mga nagawa ni VP Leni kahit maliit ang pondo o kahit wala pa siya sa gobyerno. Sa integridad naman, wala naman kaso ng pambubulsa ng pondo o kaya naman pagpatay at pagtakas sa korte si VP Leni. Higit sa lahat, ang pagiging kulelat nila sa survey at hindi paggalaw ng kanilang numero na hindi sila ang tipo ng tao, hindi sila kayang ipanalo.

Panghuli, tila ba tinulungan lang nila si Marcos Jr. at sinisigurado na may trabaho pa sila pagkatapos ng Mayo. Ang tahasang pagtawag kay VP Leni Robredo, bilang “Robredo” lamang at ang pagtawag kay Marcos Jr. bilang “Senator Bongbong Marcos” kahit wala naman talaga siyang trabaho ay ebidensya ng kabastusan at pakikipagsabwatan nila. Kung totoo ang kagustuhan mong paglingkuran ang bayan at ang tao, kahit kailan hinding-hindi mo susuportahan ang nagnakaw sa kaban ng bayan, nagpahirap sa taumbayan, at ang dahilan kung bakit lugmok ang Pilipinas ngayon sa kahirapan. Kahit di man nila direktang sinabi ang kanilang suporta sa anak ng diktador, ang pilit nilang paghila pababa kay VP Leni Robredo, na siyang kandidato ng tao at may pinakamalaking tsansa na manalo, tinutulungan nila si Marcos na makabalik sa Malacañang, makuha ulit ang ninakaw na yaman, at patuloy na burahin ang kasaysayan.

Siguro nga, hindi naman talaga “Withdraw Leni” ang gusto nila. Baka gusto nilang tulungan si Marcos Jr. na i-withdraw na ang nakaw na yaman, para sila naman ay mabigyan.