Ipinaalala ng mga militanteng Moro kay senator Juan Ponce Enrile ang mga naganap na massacres sa ilalim ng rehimeng Ferdinand Marcos na nag-udyok sa mga Moro upang maghimagsik sa diktadurya.
Nagsalita si Jerome Aba, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro tungkol sa pahayag ng senador na kasinungalingan lamang ang mga nangyaring massacres noong batas militar.
“Enrile’s delusional claim that no massacre, not even the Jabidah massacre, happened was a treacherous lie intended to erase from our memory the murderous ways of Marcos’ martial law, and in a way, absolve him (Enrile) of his crimes as the architect of martial law,” pahayag ni Aba.
Mahigit 27 na kabataang recruit ng military ang brutal na pinaslang noong Marso 18,1968.
Ang pahayag na iyon ni Enrile ay bumuhay sa galit ng mga Muslim na lumaban sa diktadurya ni Marcos. Inilabas sa social media noong nakaraang linggo ang panayam ni Bongbong Marcos kay Juan Ponce Enrile kung saan pinasinungalingan niya ang nasabing massacre.
“We will never forget the Jabidah massacre,” sabi ni Aba. “Those Moro youth were executed because they were defiant against their mission upon discovering that it involved killing Muslims in Sabah.”
Ang Jabidah massacre ay ang naging dahilan ng pagkakatatag ng Moro National Liberation Front sa pamumuno ni Nur Misuari. Bukod sa Jabidah Massacre, marami pang ibang kaso ng pagpatay sa mga Muslim ang hindi nailalabas sa textbooks at media tulad ng Manili massacre kung saan 70 Muslim ang pinaslang sa loob ng kanilang mosque.
Sa Tacub mahigit sa 40 Muslim na hindi nakaboto sa isang special election ang pinagpapatay pagdating sa may checkpoint sa Lanao Del Norte habang sa Palimbang naman, mahigit 1500 Muslim ang pinaslang sa loob ng Tacbil Mosque.
Sa kabila nito patuloy ang pagsasabi nila Enrile at Bongbong Marcos na walang nangyaring massacre noon sa Mindanao.Ito ay tuwirang paglapastangan sa mga biktima at pagbaluktot sa kasaysayan.